Pulis nadedo sa training

CAMP CRAME — Hindi nakayanan ng isang baguhang pulis ang hirap ng training na kanyang dinaanan matapos na malunod ito sa water-bourne module training, kamakalawa ng umaga sa Olongapo City.

Nakilala ang nasawing pulis na si PO1 Ben Leano, 28, ng San Alejandro, Quezon, Nueva Ecija at nakatalaga sa 32nd Coy, Regional Mobile Group 3.

Sa ulat na nakarating ng Camp Crame, naganap ang insidente bandang alas-9:50 ng umaga sa Kale beach, Kalaklan ng nabanggit na lungsod. Nabatid na kalahok si Leano sa PNP Scout Training Exercise para sa paghahanda sa paglaban sa mga rebelde.

Isinagawa ang water-bourne training sa dagat upang masubok ang itatagal ng mga pulis sa ilalim ng dagat.

Tumagal ng limang minuto ang biktima sa ilalim ng tubig ngunit biglang lumutang at nagsimulang sumuka bago nawalan ng malay.

Agad na nilapatan ng first aid ang biktima bago isinugod sa ospital pero idineklarang patay na pagdating dito.

Sa resulta ng awtopsiya, lumabas na nawalan ng hangin ang baga kaya naapektuhan ang paghinga nito. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments