Pinangangalagaan na ngayon ng militar ang naturang saksi na positibong inilarawan ang naturang suspek na nasa pagitan ng 17-20 anyos, maitim, matuwid ang buhok, nakasuot ng itim na t-shirt, maong at tsinelas lamang.
Sa pahayag ng naturang saksi, nagbebenta siya ng sigarilyo sa harapan ng Fort Pilar Shrine sa Sta. Barbara nang lapitan siya ng suspek at bumili pa ng ilang stick ng sigarilyo.
Matapos na magsindi, iniwan ng suspek ang dala nitong bagahe sa tabi ng bisikleta sa harap ng simbahan.
Sumabog ang bomba matapos na makalayo na ang suspek at isang Army Corporal ang nasawi sa insidente na kabilang sa mga nagbabantay sa naturang lugar habang 10 katao naman ang malubhang nasugatan.
Ang naturang pambobomba ay ikatlong insidente na sa Zamboanga City kung saan nauna nang nagpasabog sa harap ng kampo sa Malasigue na ikinasawi ng tatlo katao; sa Shop-O-Rama mall at Shoppers Central na ikinasawi naman ng 5 katao at ikinasugat ng 144 pa. (Ulat ni Danilo Garcia)