Sa 50-pahinang desisyon ni Bataan RTC Branch 5 Judge Benjamin T. Vianzon, pinatawan ng life ang mga akusadong sina dating SPO4 Rafael Obina, SPO1 Florentino Gonzales at PO3 Jesus Cagungun na pawang nakatalaga sa Olongapo City police precinct 1.
Si PO3 Cagungun ay kasalukuyang pinaghahanap pa ng pulisya kasama ang dalawang iba pa na nakipagsabwatan sa pananambang at nakapatay sa biktimang si Reynaldo Ampunin, 50, ng Subic, Zambales noong Oktubre 14, 1996.
Bukod sa hatol na habambuhay ay pinagbabayad pa ang mga akusado ng P.2-milyon sa naulila ng biktima bilang danyos perwisyo.
Base sa record ng korte, lumalabas na inambus ang biktima sakay ng kanyang owner-type jeep ng mga akusado noong Oktubre 14, 1996 bandang alas-7:45 ng umaga.
Nabatid pa sa mga isinumiteng ebidensiya ng mga imbestigador na may alitan ang biktima at si PO3 Cagungun tungkol sa operasyon ng sabungan sa Brgy. Tipo, Dinalupihan, Bataan kaya naganap ang krimen. (Ulat ni Jeff Tombado)