Sa 29-pahinang desisyon ni Malolos Regional Trial Court Judge Gregorio S. Sanpaga ng Branch 78, si Florenda A. Castro, 51, ay napatunayang sangkot sa pagpatay sa sariling mister na si Alfredo Castro at biyenang si Elpidio Castro.
Samantala, hinatulan din ng bitay si Christopher Talita dahil siya ang bumaril at nakapatay sa mag-amang Castro noong gabi ng Mayo 19, 1998.
Si Talita na kasama si Florenda na isinagawa ang krimen ay kasalukuyang nakapiit sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City sa kasong murder at nahatulan na ng habambuhay ng korte sa Manila.
Bukod sa hatol na bitay ay pinagbabayad ng korte ang dalawang akusado ng P.3 milyon bilang bayad pinsala sa naulila ng mga biktima at P.4 milyon bilang bayad sa nagastos sa pagdinig ng kaso.
Base sa record ng korte, pinagbabaril ni Talita ang mag-ama dakong alas-7 ng gabi at tumakas sakay ng hindi nabatid na sasakyan kasama ang asawa ni Alfredo na positibong may nakakitang testigo.
Napag-alaman pa sa korte na matagal nang hindi nagsasama sina Florenda at Alfredo dahil sa problemang pinansyal.
Makaraan ang masusing pag-aaral sa mga isinumiteng ebidensya ng pulisya laban sa dalawa ay hinatulang mabitay dahil sa naganap na krimen. (Ulat ni Efren Alcantara)