Sa ulat na nakarating kahapon sa opisina ng Bulacan PNP Intelligence and Investigation Office, sinampahan ng kasong paglabag sa ilalim ng batas laban sa sugal sina Boy at Jessie Viceo ng San Rafael, Bulacan; Ambet Viceo, Abner Nicolas ng Baliuag; Lito Samera ng Brgy. Sapang Palay, San Jose del Monte City; Tony Santos ng Marikina at Otto Balboa ng Apalit, Pampanga na may operasyon sa Bulacan.
Lumutang din ang mga pangalang may alyas na Fred ng Sta. Maria; alyas Putol ng Baliuag; alyas Ofring ng Meycauayan; Kapitana at Jun Magaling ng Hagonoy na pinaniniwalaang nagsisilbing tagapaghatid ng payola sa mga tiwaling police official at lokal na opisyal ng pamahalaan na umaabot sa P10,000 hanggang P50,000 kada linggo.
Ayon sa pulisya, ang pagsasampa ng kaso sa mga nabanggit na gambling lord ay base na rin sa nakalap nilang matibay na ebidensya sa isinagawang sunud-sunod na raid sa mga pinaghihinalaang bolahan sa ibat ibang bayan sa Bulacan.
Samantala, nalalagay naman sa balag ng alanganin na masibak sa puwesto si P/Sr. Supt. Felizardo Serafio, bagong talagang Bulacan PNP provincial director dahil sa kawalang kakayahang pigilin ang sugal na jueteng sa kanyang nasasakupang lalawigan. (Ulat ni Efren Alcantara)