P20-M ari-arian naabo

LUCENA CITY, Quezon –Umaabot sa halagang P20-milyong ari-arian ang tinupok ng apoy makaraang masunog ang apat na malalaking establisimiyento sa panulukan ng Quezon Avenue at Lakandula St. sa lungsod kamakalawa ng umaga.

Batay sa ulat na nakarating kahapon kay P/Supt. Danny Ramon Siongco, hepe ng pulisya sa lungsod na ito, nagsimulang kumalat ang apoy mula sa ikalawang palapag sa puwesto ng Bets Internet Cafe bandang alas-8 ng umaga at nadamay na masunog ang kalapit na kilalang establisimiyento.

Kaagad naman naapula ang apoy matapos na magresponde ang mga pamatay-sunog mula sa Sariaya, Candelaria, Tayabas at Lucban.

Kasunod nito, tinupok din ng apoy ang gusali na pag-aari ni Aniano Verdadero sa bayan ng Calauag at walang iniulat na nasawi o nasugatan sa dalawang sunog na naganap.

Kasalukuyan pang inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments