Mayor, vice-mayor at mga konsehal ipinapaaresto ng korte

TIWI, Albay — Dinakip kamakalawa ng umaga ang municipal mayor, vice mayor at mga konsehal ng mga tauhan ng police provincial command habang nasa kainitan ng pagpupulong sa session hall ng bayang ito sa kasong indirect contempt.

Sa ipinalabas na warrant of arrest ni Quezon City Regional Trial Court Judge Lucas Bersamin ng Branch 96, inaresto sina Tiwi Mayor Patria Gutierrez, Vice Mayor Ruth Coral at ang mga konsehal na sina David Beato, Jesus Consulta, Arlone Recierdo, Saturnino Clavecillas, Rey Custodio, Liberato Velasco, Jaime Villanueva at Bernardo Cosco.

Naitala ang pagdakip sa mga lokal na opisyales ng pamahalaan bandang alas-10 ng umaga habang nasa regular na pagpupulong sa naturang lugar.

Napag-alaman sa ulat na ang pagkakadakip sa mga opisyales ay may kaugnayan sa hindi pagbabayad ng P21-milyong attorney’s fee ng namayapang dating municipal mayor Naomi Corral na naipasa sa mga nakaupong mga opisyal may walong taon na ang nakalilipas.

Hindi naman pinayagan ng korte na makapagpiyansa ang mga opisyal sa kanilang pansamantalang paglaya kaya nagkaroon ng tensyon dahil sa walang sinumang awtorisadong opisyal na magpapatakbo ng nabanggit na munisipyo.

Ilang sektor naman ng naturang bayan ang humingi ng tulong sa pamunuan ng DILG upang maresolba ang usapin at maipagpatuloy ang pamamalakad sa bayan ng Tiwi.

Sa pahayag naman ni Tiwi Mayor Patria Gutierrez at mga konsehal na ang nabanggit na kaso ay kasalukuyang nakabimbin pa sa Court of Appeals. (CA). (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments