Parak tinigok ng sundalo sa sabungan

Pinaniniwalaang onsehan sa pustahan sa sabungan ang naging ugat ng kamatayan ng isang kagawad ng pulisya, samantala, malubhang nasugatan naman ang kasama nito makaraang pagbabarilin ng isang sarhento ng Phil. Army sa loob ng San Luis cockpit arena sa Sitio Hiwalalayan, Brgy. Bacong, San Luis, Aurora kamakalawa ng madaling-araw.

Ang nasawing biktima ay nakilalang si PO3 Estilito Pelaez, 33, samantala, si PO3 Hipolito Garcia Jr. ng Brgy. 4 ay malubhang nasugatan at kapwa nakatalaga sa Dinalungan police station.

Tinutugis naman ang suspek na si S/Sgt. Teodorico Estacio ng Intelligence Security Group ng 70th Infantry Battalion ng Phil. Army na nakipagtalo sa dalawang biktima dakong alas-12 ng hatinggabi bago naganap ang krimen. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments