Bago pa ito sumabog ay mabilis namang naipagbigay-alam sa mga awtoridad kaya pinasabog sa ibang lugar.
Ngunit minaliit naman ni P/Sr. Supt. Rogelio Nuneza, police city director ang pagkakadiskubre sa bomba at nagsabing isang pakete lamang na nilagyan ng pintura kaya itinapon sa madamong lugar pero sumabog.
Kinumpirma naman ng ilang pulis na ang bomba na nakabalot sa papel ay inilagay sa ilalim ng nakaparadang kotse sa pagitan ng Loys Pharmacy at department store sa mataong lugar sa Cabili Avenue, Iligan City.
llang sidewalk vendor ang nakakita sa pakete kaya kaagad namang kinuha ng bomb squad at pinasabog sa hindi nabatid na lugar.
Isang reporter ang nakarinig ng malakas na pagsabog na nagresulta upang magpulasan ang mga tao sa ibat ibang lugar.
Sinabi naman ng isang saksi na namataan niya ang isang babae na nakadamit-Muslim, ang naglagay ng bomba at biglang naglaho sa karamihan ng tao.
Ilang tindahan at establisimiyento ang nagsara sa nabanggit na lungsod ngunit nagbukas ilang oras matapos pasabugin ang bomba.
Magugunitang noong 1992 ay nagpasabog ng granada sa pintuan ng St. Michael Cathedral na naging sanhi ng kamatayan ng hindi nabatid na bilang ng deboto at malubhang ikinasugat ng iba pa sa ginanap na Easter Sunday. (Ulat ni Lino dela Cruz)