Photographer patay sa ambus

INDANG, Cavite — Tinambangan at napatay ang isang photographer ng tatlong kalalakihan sakay ng motorsiklo habang ang biktima ay naghahatid ng anak at pamangkin nito sa Indang Christian Elementary School sa Brgy. Alulod sa bayang ito kahapon ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ronnie dela Cruz, 41, ng Metro South Subdivision, General Trias, Cavite, samantala, ang isa sa suspek na nadakip ay nakilalang si Danilo Cruz, 45, ng 147 Carandang St. ng bayang ding ito na drayber ng motorsiklo (VA-7511) na ginamit sa ambus. Tinutugis naman ang dalawang suspek na ang isa ay nakilalang si Ramil Curitana.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Felix Avila, isinagawa ang ambus dakong alas-7:25 ng umaga habang ibinababa ng biktima ang kanyang anak at pamangkin sa minamanehong owner-type jeep (VBB-501) sa harap ng nabanggit na eskuwelahan. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments