Kinilala ang isa sa mga nasawing biktima na si Tiyok Logsi, Lumad tribesman at isang symphatizer ng NPA sa lugar. Hindi naman agad nakilala ang isa pang napaslang subalit nakumpirma na isa itong rebeldeng NPA.
Nakilala naman ang sugatan na si Toting Bantakan mula sa panig ng Alamara Tribal Group at mabilis na dinala sa pinakamalapit na pagamutan para malapatan ng lunas.
Batay sa report na nakarating sa Camp Aguinaldo, naitala ang sagupaan bandang alas-8 ng gabi habang ginagalugad ng walong armadong Alamara tribesmen na inieskortan ng mga sundalo sa pangunguna ni Pfc. Florendo Laydan ng Armys 72nd Infantry Battalion ang liblib na bahagi ng Barangay Dagohoy sa nasabing bayan.
Nabatid na habang tinatahak ang ruta at mapadpad sa bahay ni Datu Sangat Logsi ay nakasalubong ng mga tribesmen ang tinatayang 40 NPA sa ilalim ni Commander Loter.
Agad na nagpaputok ang mga rebelde na mabilis namang tinugon ng mga tribesmen na nauwi sa mainitang bakbakan.
Tumagal ang palitan ng putok ng halos isang oras hanggang sa mapilitan ang mga rebelde na umatras sa sagupaan.
Tumakas ang mga rebelde na bitbit ang mga duguang bangkay ng kanilang mga napaslang na kasamahan.
Agad namang rumesponde ang mga elemento ng Armys 72nd IB at ang Talaingod PNP upang magbigay ng reinforcement sa Alamara Tribal Group subalit hindi na naabutan ang mga rebeldeng NPA.
Narekober naman ng mga sundalo mula sa encounter site ang isang M14 rifle at isang hand grenade na inabandona na lamang ng mga tumakas na mga rebelde. (Ulat ni Joy Cantos)