Ang grupo na pinangungunahan nina dating Cagayan de Oro mayor Reuben Canoy, bilang chairman at newspaper publisher Lorie De La Serna, bilang membership chairman ay nagsimulang mag-organisa ng mga chapter at mangalap ng mga miyembro sa malalaking lungsod ng Mindanao.
Ayon sa dalawa, nagpalimbag na sila ng libu-libong identification card para ipamahagi sa mga miyembro sa buong bansa kahit na walang pahintulot ang batikang aktor sa kanilang ginawang hakbang.
Layunin ng grupo ni Canoy ay upang kumbinsihin si Fernando Poe Jr. na tumakbong presidente sa 2004 national elections.
Sinabi ni Canoy na mahirap dayain bilang kandidato si FPJ dahil masyadong popular sa masa.
Idinagdag pa ni Canoy na ang kanilang grupo ay walang opisyal na coordination kay FPJ at nais lamang nilang ipabatid na suportado ng masa ang kanyang kandidatura.
"Nagpa-abot na kami ng sunud-sunod na komunikasyon sa kampo ni FPJ tungkol sa naturang isyu ngunit wala pang opisyal na kasagutang natatanggap mula sa aktor," ani Canoy.
Suportado raw ng mga Muslim community at civic leaders sa Mindanao ang grupo ni Canoy ngunit ang bise presidente ni FPJ ay may nakalaan na mula sa opposition team, ayon kay Erick San Juan, malapit na kaibigan ni Canoy.
Hindi naman binanggit ni San Juan ang pangalan ng magiging kapareha ni FPJ pero napag-alaman sa source na matunog si Sen. Ping Lacson. (Ulat ni Perseus Echeminada)