Si Brgy. Chairman Marnel Muñoz ay naging kontrobersyal sa kanyang nasasakupang barangay dahil sa sunud-sunod na reklamong natatanggap ng PSN dahil sa ginagawa nitong panliligalig, partikular na ang pagpapaalis ng mga sasakyang pribado sa harap mismo ng mga bahay na walang paradahan.
Isa sa pinag-iinitan umano ni Muñoz ay ang mga talyer ng sasakyan na sapilitang pinalalayas ang mga ginagawang kotse at van na kung tutuusin ay hindi naman sagabal sa malawak na kalsada.
Sinabi pa ng mga may-ari ng talyer na ngayon lamang nangyari ang ganito sa mahabang panahong pagnenegosyo na ang ibinabayad na buwis ay karagdagan sa lokal na pamahalaan.
Ayon sa mga residente na may negosyo sa nabanggit na barangay na aalisan daw ni Muñoz ng lisensya ang sinumang lalabag sa kanyang patakaran dahil sa pinagmamalaki nito na bata siya ni Mayor Castillo.
Mismong isang kliyente ng talyer ang nakasagutan ni Muñoz ang nasaksihan ang ginawang pambabastos sa pangalan ni Cavite Governor Erineo "Ayong" Maliksi dahil sa hindi nito paggalang kahit na nagpakilalang isa umanong malapit kay Maliksi.
"Wala akong pakialam kay Governor Maliksi dahil ako ang masusunod dito at hindi siya," ani pa ni Muñoz.
May palagay ang mga residente na lingid sa kaalaman ni Mayor Castillo ang ginagawang panliligalig ni Muñoz sa nasasakupang barangay.
Pinabulaanan naman ni Muñoz ang akusasyon ng mga residente maliban sa pambabastos ng pangalan ni Gov. Maliksi. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)