Sa nakalap na confidential report ang PSN sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Office (IIO), isang nagngangalang Ronald Santos na empleyado ng Law Enforcement Department (LED) ng SBMA, ang ngayon ay iniimbestigahan dahil sa pinaniniwalaang nanguna sa pagpupuslit ng sampung luxury vehicles na kinabibilangan ng Mitsubishi Pajero, Toyota Land Cruiser at Isuzu Bighorn na pawang walang kaukulang dokumento.
Napag-alaman ng PSN na bumuo na ng kumite si SBMA Chairman Felicito Payumo na kinabibilangan nina Antonio Inocentes, deputy administrator for administration, Atty. Chito Cruz, senior deputy administrator for support services at Atty. Frank Abella, department manager for legal affairs upang imbestigahan ang naganap na smuggling na isinagawa bandang alas-8 ng gabi sa Kalayaan exit gate.
Sa inisyal na imbestigasyon ng IIO, inamin ni Santos na naipuslit ang sampung luxury vehicles mula sa Subic Acropolis, Inc. sa loob ng Subic Bay Freeport saka dinala sa hindi nabatid na lugar sa Metro Manila.
Ayon pa sa ulat, inamin din ni Santos na napag-utusan lamang siya ng isang nagngangalang Col. Carlitos Mallari, hepe ng Law Enforcement Department na ipuslit ang mga sasakyan.
Kasalukuyan namang nasa preventive suspension si Mallari sa kautusan na rin ni SBMA Chairman Payumo upang maiwasan ang cover-up sa isinasagawang imbestigasyon.
Mariin naman pinabulaanan ni Mallari ang akusasyon ni Santos at nangatwirang sinisiraan lamang siya nito.
Ayon sa isang opisyal ng pulis na tumangging ibigay ang pangalan, may posibilidad na may ilan pang kasabwat na tiwaling opisyal at tauhan ng LED sa naganap na smuggling. (Ulat ni Jeff Tombado)