Ito ang kinumpirma ng PSN sa panibagong "modus operandi" na isinasagawa ngayon ng mga nagmamay-ari ng Pepe Casa, Curacha, U-571, 392 Night Club, Labs Kita KTV & Disco, Maligaya Club, Head "N" Tail at Georgetown Disco na pagmamay-ari nina Nestor Mago at Manny Arce na matatagpuan sa National Hi-way, Barangay Calapandayan, Subic, Zambales.
Sa nakalap na impormasyon, lakas-loob na binuksang muli ang nabanggit na mga diskuhan sa kabila ng isinagawang pagpapasara kamakailan lang ni Mayor Jeffrey Khonghun na animoy walang katinag-tinag sa ginawang aksyon ng alkalde makaraang kumpirmahin din mismo ng kanyang tauhan na si Kagawad Rey dela Cruz, pinuno ng peace and order council, ang talamak na bold shows sa kanyang lugar.
Sa isang impormasyong nakalap ng PSN mula sa mapagkakatiwalaang impormante, malapit at malakas umano ang impluwensya kay Mayor Khonghun ng isang kilalang tao sa naturang lugar na siya rin ang itinuturong protektor ng mga nabanggit na gusali at bilang "negosyador" sa likod nina Mago at Arce.
Matatandaan na ipinasara ni Mayor Khonghun ang naturang mga gusali matapos na mailathala sa PSN ang walang humpay at walang takot na pagpapalabas ng mga bold shows sa kanyang lugar subalit tila yata isang kakaibang "hangin" ang nasagap ng naturang alkalde at pinayagan nitong buksan muli ang naturang bold shows sa mga nabanggit na gusali. (Ulat ni Jeff Tombado)