Sinabi ni P/Supt. Jose Dayco, hepe ng Antipolo City police, ang ipinalabas na cartographic sketch ay base sa deskripsiyon ng sumukong driver ng getaway vehicle na kinilalang si Domingo Martin Jr., 47, na ginamit ng mga suspek.
Sinabi ni Dayco na walang katotohanan ang naunang napaulat na P10-M ang natangay dahil ayon sa pahayag ng mga empleyado ng Security Bank sa Sumulong Highway, Brgy. Masinag ay P1.5M lamang ang nalimas sa vault ng kanilang bangko.
Tiwala naman si Dayco na madaling mahuhuli ang miyembro ng big time robbery/holdup gang matapos na maipalabas ang cartographic ng tatlo sa mga ito.
Base sa progress report ng Antipolo City police, lumalabas na ginamit ng mga holdaper ang ipinapasadang kulay puting Tamaraw FX na may plakang PVN 849 na minamaneho ni Martin ng Brgy. Sta. Ana, San Mateo, Rizal.
Napag-alaman sa ulat na namamasada si Martin sa may Act Theater sa Cubao nang parahin ng mga suspek at isa sa mga suspek ang umagaw sa kanyang manibela.
Isa pa sa mga suspek ang kanilang dinaanan sa kahabaan ng Santolan sa Pasig City at dumeretso patungong Antipolo City.
Nagbabaan ang mga suspek sa Security Bank dakong alas-8:20 ng umaga kung saan patuloy namang umikot sa bisinidad ng bangko ang naturang FX na naghihintay ng go signal mula sa iba pang mga holdaper.
Magugunita na ilang oras pagkaraan ng holdapan ay dumating si Pangulong Arroyo sa bahagi ng Brgy. Masinag kaugnay naman ng isinagawang raid ng magkakasanib na elemento ng mga awtoridad sa warehouse na naglalaman ng P1.8M smuggled na bigas ng National Food Authority. (Ulat ni Joy Cantos)