Personal na pinangasiwaan ni Pangulong Arroyo, DOJ Secretary Hernani Perez at DILG Secretary Joey Lina ang pagsalakay sa bodega ng mga smuggled rice na nakaimbak sa isang bakanteng lote sa Brgy. Mayamot, Sumulong Highway, Antipolo City.
Dakong alas-10:00 ng umaga nang puntahan ng Pangulo ang mga bigas na nakatago sa nasabing lugar na nasa 30 hanggang 50 footer van.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na ang mga smuggled rice na itinago sa naturang bodega ay galing umano sa ibang bansa na itinago sa nasabing bodega matapos na maipuslit sa Customs.
Sa nasabing operasyon ay kinumpiska ng mga awtoridad ang tatlong baril ng dalawang security guard na nakatalaga sa sinalakay na warehouse na kinilalang sina Nelson Herla at Charles Lagtapon.
Pinaniniwalaan namang isang Tsino ang utak ng pag-iimbak ng umanoy illegal na bigas ng NFA at hinihinalang binabalak ibenta sa mga malalaking negosyante sa ibat ibang panig ng Southern Luzon at National Capital Region (NCR) partikular na sa Metro Manila. (Ulat ni Joy Cantos)