Ayon kay Dr. Winston Avillo, city veterinarian, nitong nakalipas na buwan ay dalawang barangay ang napabalitang sinalanta ng nasabing sakit.
Sa rekord ng nasabing tanggapan, may 46 na alagang baboy na nasa farm house sa Brgy. Demoit ang kumpirmadong nagtataglay ng FMD at 3 naman sa bahagi ng Brgy. Barra.
Kinumpirma rin ito ng Philippine Animal Health Center, batay na rin sa eksaminasyon na isinagawa ng mga tissue samples ng mga nabanggit na hayop.
Subalit nilinaw naman ni Avillo na wala namang dapat na ikabahala ang mga bumibili ng mga karne sapagkat lahat ng mga hayop na kinakatay sa slaughter house ay tiyak na dumadaan sa pagsusuri bago itinda sa pamilihang panglungsod.
Kaalinsabay ng paniniwalaang FMD outbreak ay kaagad na nagsagawa ang CVO ng mass vaccination para sa mga alagang baboy, kalabaw at baka sa ibat ibang barangay ng lungsod upang mahadlangan ang paglaganap ng nasabing sakit. (Ulat ni Tony Sandoval)