Kinilala ni P/Chief Insp. Orlando Macuja, chief investigator ng IAS, ang mga suspek na sina P/Supt. Ramon Ramirez, SPO4 Dalmacio P. Pucanan Sr., SPO2 Elmer P. Pipaño, SPO1 Primicias B. Tercero, SPO1 Nestor B. Tercero, SPO2 Nilo D. Vanzuela, SPO1 Jesus V. Tan, PO3 Enrico G. Capariño, PO3 Carlos O. Cachapero na pawang nakatalaga sa Southern Police Disrtict Drug Enforcement Group (SDDEG).
Si PO3 Cirilo Zamora na unang napaulat na kasama ng siyam na suspek na dumukot sa mga biktima ay hindi kabilang sa naganap na pangyayari dahil sa maling pagkakabigay ng pangalan mula sa naturang tanggapan.
Samantala, ang mga biktima na may negosyong money lending ay pormal ding magsasampa ng reklamo sa National Police Commission (Napolcom) ay nakilalang sina Marcecilla Caballero, 49 at Nestor Acsay, 39 at escort nilang si Jomer Ebon na pawang residente ng Sorento Subdivision, Panapaan, Bacoor, Cavite.
Ayon pa kay P/Chief Insp. Macuja, ipapatawag niya ang siyam na suspek sa Sept. 16, 2002 upang i-line-up para tuluyang makilala ng mga biktima.
Magugunitang naitala sa police blotter noong Agosto 23, 2002 ang "kidnap/carnap" dahil sa mga nakasaksing hinarang at dinukot ng mga suspek sakay ng Honda Civic (UPG-929), berdeng Lancer (NBU-996) at puting kotse na walang plaka ang Pajero (UCT-128) ng mga biktima sa Zapote, Las Piñas City matapos na matunugang may dalang malaking halaga.
Dinala ang mga biktima sa naturang tanggapan sa Fort Bonifacio, Makati City dahil sa inakusahan ang mga biktima na mga drug trader ngunit pawang maling impormasyon ang nakuha ng mga suspek sa kanilang asset.
Kaya napilitan ang mga suspek na makipagnegosasyong palalayain na lamang ang mga biktima kapag nagbigay ng P.5-milyon hanggang sa umabot lamang ng P.1-milyon ang naibigay ng dalawa dahil na rin sa takot na ma-summary execution. (Ulat ni Mario D. Basco)