Sa naging pahayag ng mga residente sa nabanggit na barangay, pinagbabaril hanggang sa mapatay ang mga carnapper habang nagpupulasan sa ibat ibang direksyon salungat sa napaulat sa ibat ibang pahayagan na nakipagbarilan sa mga awtoridad.
Napag-alaman pa ng PSN sa mga residente na isa sa mga napatay na si Pablito Salubod ay hindi kasama ng grupo dahil sa naimbitahan lamang na makipag-inuman kaya naman pinaunlakan nito.
Sa pahayag ng mga residente na ayaw lumantad dahil sa takot na madamay sa pangyayari na ang mag-asawang Daniel, 45 at Gloria Bautista kasama ang tatlong anak ay hiniram ang kotseng puti ng mga carnapper dahil sa magsisilang ng sanggol si Gloria ngunit nasabat ng mga awtoridad.
Sinabihan daw ng TMG ang mag-asawa kung bakit minamaneho nila ang karnap na kotseng puti kaya pinabalik sila sa pinagkukutaan ng mga carnapper upang matunton ang bahay.
Namataan naman ng grupo ng carnapper ang mga awtoridad kaya nagpulasan sa ibat ibang direksyon ngunit pinagbabaril pa rin ng mga tumutugis na pulisya.
"Hindi naman nakipagbarilan ang mga carnapper sa mga tumutugis na pulis dahil nasa bag ang kanilang baril", ani ng isang residente na nakasaksi sa pangyayari.
Kinumpirma din ng mga tauhan ng Bulacan Provincial Hospital na may kinuhang sugatang tao ang pulisya ngunit hindi nila alam kung saan dinala.
Sa kasalukuyan ay hindi pa lumulutang ang mag-asawang Bautista at tatlo nilang anak kasama pa ang isang Sonia Calonzo, 30 na kusinera ng mga carnapper at sinasabing nasa loob lamang ng Camp Crame. (Ulat ni Efren Alcantara)