Negosyanteng lolo tinodas sa videoke bar

BACOOR, Cavite — Isang negosyanteng lolo ang kumpirmadong nasawi, samantala, malubhang nasugatan naman ang kapatid nito matapos saksakin ng kanilang customer na pinagsarhan ng videoke habang kumakanta kahapon ng madaling-araw sa Brgy. Zapote sa bayang ito.

Binawian ng buhay sa St. Dominic Hospital ang biktimang si Juan Antonio Montano, 65, at nasa kritikal namang kondisyon ang kapatid nitong si Oscar Montano, 56, na kapwa residente ng Tabing-Dagat ng nabanggit na barangay.

Kasalukuyang tinutugis ng pulis-Bacoor ang suspek na si Oliver Gudin, 23, ng naturan ding lugar.

Sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO1 Rodolfo Arboleda, naganap ang krimen dakong alas-3 ng madaling-araw makaraang abangan ng suspek ang mag-utol sa labas ng videoke bar.

Napag-alaman sa ulat ng pulisya na nairita ang suspek sa biktimang may-ari ng videoke bar dahil sa isinara na ang video machine na kanyang kinagigiliwang awitin.

Lingid sa mag-utol ay inabangan sila ng suspek na lango na sa alak at isinagawa ang krimen sa labas ng videoke bar. (Ulat nina Cristina Go-Timbang/Lanie Sapitanan)

Show comments