Sa pahayag ni Nestor Satur, hepe ng forensics sa National Bureau of Investigation (NBI), ang bangkay ng mag-amang Akihiro Owa, 67 at anak nitong si Masaaki, 41, kapwa tubong Nagano, Japan ay natagpuang nakabitin sa kisame ng inaakupahang kuwarto sa Marriott Hotel.
Napag-alaman sa ulat ni P/Chief Insp. Aristides Macatangay, nag-ugat ang magkasabay na suicide matapos na mag-alinlangan ang hotel management sa inisyung tseke ng mag-ama na nagkakahalaga ng P.4-milyon bilang bayad sa inaakupahang kuwarto sa naturang hotel simula pa noong Hunyo 7, 2002.
May palagay ang mga imbestigador na ang ipinadalang sulat ng hotel management sa mag-ama ang naging sanhi upang mag-suicide dahil sa malaking kahihiyan sa kanilang kapwa turistang Hapones ang pangyayari.
Nabatid pa sa ulat ng pulisya na walang naganap na foul play, base na rin sa isinagawang autopsy.
Wala ring iniulat na nawawalang anumang gamit sa kuwarto ng mag-ama kaya 95 porsiyento na suicide ang naganap na pangyayari, dagdag pa ni Macatangay.
Kinaugalian na ng mga Hapones na kapag napahiya sa anumang bagay na ginawa sa kanilang bansa, lalo na kapag may katotohanan ay naghaharakiri (suicide) na lamang sila.