Ang mga miyembro ng Agustin Begnalen Command na nakabase sa Abra ay nagbabalak at kumukuha lamang ng tiyempo upang bitayin si Tineg, Abra Mayor Clarence Benwaren at asawa nitong si Soledad, isang Napolcom official sa Cordillera na umanoy responsable sa pagkamatay ng limang katutubo.
Sinabi ni Diego Wadagan, tagapagsalita ng NPA command, si Mayor Benwaren ay gumamit ng "guns, goons and gold" upang maisagawa ang katiwalian noong nakalipas na halalan.
Aniya, dumanas ng matinding kahirapan, extreme oppression at exploitation ang mga katutubo simula pa noong maging alkalde ang kanyang amang si Pedring Benwaren hanggang sa kasalukuyan.
Idinagdag pa ni Wadagan na sinuportahan naman ang programang counter-revolutionary activities ni Mayor Benwaren nina dating Abra Board Member Ernesto Pacuño at Bucloc, Abra Mayor Mailed Molina. (Ulat ni Artemio A. Dumlao)