Si Romulo "Tatang" Guzman, 45, may asawa ay binaril sa likurang bahagi ng ulo na tumagos sa ilong na kaagad nitong ikinasawi. Samantala, ang killer na biglang naglaho sa dilim ay may ilang minuto nang inaabangan ang biktima na pumasok ng nabanggit na lugar.
Sa imbestigasyon ni SPO4 Rudy Sano, nagpaalam ang biktima sa kanyang misis na si Annabel dakong alas-7 ng gabi upang magpunta sa bahay ng kanyang among si Eufrocino Codilla Jr., anak ni Congressman Eufrocino Codilla Sr.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nagtungo ang biktima sa naturang lugar at doon sinalubong ang kanyang kamatayan.
Ayon sa pulisya, si Guzman ay unang pinagbabaril ng tatlong hindi kilalang kalalakihan noong Hulyo 1, 2002 sa labas ng kanilang bahay ngunit naiwasan nito ang tiyak na kapahamakan.
Posibleng mahanay na naman ang pagpatay kay Guzman sa mga hindi nareresolbang kaso na kinabibilangan ng pananambang sa isang pulis sa loob ng sabungan, pagpatay sa isang pampasaherong van drayber at pamamaril na ikinasawi ng isang brgy. chairman may dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas. (Ulat ni Roberto C. Dejon)