Tsikahan grinanada, 1 patay

Nauwi sa madugong insidente ang masayang kuwentuhan ng isang pamilya at mga bisita nila nang sumabog sa kanila ang isang granada na inihagis mula sa labas ng kanilang bahay kamakalawa sa lalawigan ng Compostela Valley.

Nakilala lamang ang nasawing biktima sa pangalang Nonong, residente ng Purok Pag-asa, Sitio Panganason, Brgy. Kingking ng nabanggit na lalawigan.

Kasalukuyang ginagamot naman sa Davao Regional Hospital ang mga sugatang sina Marion Castillo, asawa nitong si Carmelita, isang Mar Castillo at Robert Busano, pawang mga residente rin ng naturang lugar.

Sa ulat na nakalap sa Camp Crame, masayang nagkukuwentuhan ang pamilyang Castillo matapos ang kanilang hapunan dakong alas-7 ng gabi kasama ang mga bisitang sina Nonong at Busano nang isang granada ang bumagsak sa kanilang harapan.

Hindi na nagawa pang makatakbo ng mga biktima upang magkubli nang agad na sumabog ang naturang granada kung saan napuruhan si Nonong dahil sa mismong harap nito ito sumabog.

Base naman sa testimonya ng mga testigo, nakita nila ang isang Gingging Rosero, isang tagaputol ng puno at abantero na umaaligid sa bahay ng mga biktima at umano’y naghagis ng granada.

Kasalukuyan pang pinaghahanap na ng pulisya si Rosero. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments