6 planta ng kuryente target ng NPA

PALO, Leyte – Ibinulgar kahapon ng militar at pulisya na anim na planta ng kuryente sa naturang lalawigan ang pinupuntirya na isabotahe ng makakaliwang grupong New People’s Army (NPA).

Nabatid sa intelligence report na nakarating sa PNP regional officer na kasalukuyang dinoble na ang seguridad sa mga planta ng kuryente sa Samar Electric Cooperative 1 sa Brgy. Carayman, Calbayog City, MEI hydro sa Brgy. Barral, Oquendo, Calbayog City, Samelco sub-station sa Brgy. Lonoy, Samar Electric Cooperative II sa Brgy. 6, Paranas, Napocor sub-station sa Brgy. Buray at Napocor sub-station sa Brgy. Libas, Sta. Rita, Samar.

Ipinahayag ni Eastern Visayas PNP Regional Director P/Chief Supt. Nardito Yoro na inatasan na niya ang dalawang grupo ng Samar-based Police Provincial Mobile Group na makipag-ugnayan sa militar sa seguridad ng mga malalaking linya ng kuryente.

Kasunod nito, isa pang intelligence report na may namataang grupo ng NPA rebels sa isang planta ng kuryente sa Brgy. Borong, Calbiga, Samar.

Inatasan na rin ni Samar PNP Provincial Director P/Supt. Conrado Calvario ang 810th PPMG na agarang makipag-ugnayan sa kapulisan ng Calbiga, Samar.(Ulat ni Miriam Garcia Desacada)

Show comments