Sa pahayag ni Col. Jovenal Narcise, commander ng Armys 702nd Infantry Brigade na nakabase sa Bongabon, Nueva Ecija, nagsimula ang sagupaan bandang alas-6 ng umaga noong Sabado na umabot hanggang sa Sitio Pulo, Barangay Sarah, San Luis, Aurora.
Pinamumunuan ng isang nagngangalang Delfin Pimentel, alyas Ka Medy ang may tatlumpong rebelde na nakipagbarilan sa mga sundalong tumutugis na tumagal ng 30 minuto.
Ayon pa kay Narcise na ang mga napatay na rebelde at nasugatan ay binitbit na ng kanilang tumakas na kasamahan ngunit naiwan ang tatlong malalakas na baril, mga subersibong dokumento at communication antenna.
Aniya na ang mga rebelde na nakabase sa Aurora ay nagre-recruit ng mga high school student na sinasanay sa snipping operations.
Isa sa apat na sugatang kabataang babae ay mag-aaral sa Dimatubo High School dahil sa naiwan nitong personal belongings matapos ang engkuwentro at pansamantalang hindi ibinunyag ang pangalan.
Idinagdag pa ni Narcise na umaabot sa sandaang armadong rebelde sa Aurora ang hinati sa tatlong grupo kabilang na ang pinamumunuan ni Ka Medy at palipat-lipat ng lugar upang mangolekta ng revolutionary tax sa mga residente.
Kasunod nito, sinabi naman ni Major General Rodolfo Garcia, commander ng Armed Forces sa North Luzon na bihasa nang gumawa ng landmines ang mga rebelde at aabot na sa 1,700 NPA sa Central Luzon ang kasalukuyang nakakalat. (Ulat ni Ding Cervantes)