Mag-live-in itinumba dahil sa droga

BACOLOD CITY – Pinaniniwalaang illegal na transaksyon sa ipinagbabawal na gamot ang naging dahilan upang itumba ang magkalaguyo ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan at itinapon sa magkahiwalay na lugar sa Brgy. Cansilayan, Murcia at Brgy. La Granja, La Carlota City kahapon ng madaling-araw.

Ang mga biktima na may mga tama ng bala ng baril sa ulo ay nakilalang sina Fermin Bahibag, 40 at Maria Fe Togle na taga-Brgy. Balaring, Silay City ngunit naninirahan sa Purok Bulak, Brgy. Mandalagan, Bacolod City.

May teorya ang pulisya na ang pagkamatay ng dalawa ay may kaugnayan sa droga dahil sa narekober na pitong malalaking shabu sachets malapit sa kanilang bangkay.

Nagkaisa naman ng palagay sina P/Chief Supt. Edgar Esparagoza ng La Carlota City at P/Sr. Insp. Samuel Mina ng Murcia police station na ang dalawa ay biktima ng summary execution.

Ayon sa pulisya, ang magkalaguyo ay may palatandaang pinahirapan muna saka itinumba dahil sa maraming galos sa katawan at nakabalot ang kanilang ulo ng packing tape. (Ulat ni Antonietta B. Lopez)

Show comments