Batay sa ulat na natanggap kahapon ni Rizal Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Carlito Dimaano, naganap ang pangyayari bandang alas-5 ng hapon sa kahabaan ng Rodriguez Avenue, Taytay sa tapat ng Tropical Hut Hamburger.
Napag-alaman na nakatanggap ng tawag sa telepono ang Taytay PNP mula kay Municipal Councilor Alvin Gatapia, mula sa isang di nagpakilalang texter na nagparating na ninakaw umano ang cellphone ng kanyang girlfriend na kinilalang si Ana Lea Javier.
Nakikipagkita ang nasabing texter sa kanyang girlfriend na nagsabi pang magsusuot itong kulay dilaw na t-shirt at short pants upang madali silang magkakilala at makikipagkita sa tapat ng Tropical Hut Hamburger kung saan ay sa taxi umano ito pinasasakay.
Upang malaman ang motibo ng nasabing texters ay humingi ng ayuda si Gatapia sa Taytay PNP sa pamumuno ni P/Supt. Guillermo Cabuenas na umalalay sa mga ito upang madakip ang nanloloko sa kasintahan ni Gatapia.
Ilang saglit pa ay dumating ang suspect lulan ng taxi kung saan ay sinundan naman ng mga armadong kalalakihan.
Habang nag-uumangan ng baril ang magkabilang panig ay sumigaw ang mga kinauukulan ng Mga pulis kami ng CPD matapos na muntik ng magkaroon ng putukan sa pagitan ng magkabilang panig.
Matapos ang ilang minutong tensiyon ay napag-alamang nagsasagawa rin ng operasyon sa nasabing lugar ang mga elemento ng CPD laban sa isang grupo ng carnapping syndicates.
Nabatid rin na mali umano ang numero ng cellphone na ibinigay sa mga operatiba ng pulisya ng biktima ng mga carnappers kung saan nagkataon na ang numerong ginamit nito ay pag-aari ng girlfriend ni Gatapia. (Ulat ni Joy Cantos)