2 pulis, sibilyan todas sa NPA rebels

Dalawang kagawad ng pulisya at sibilyan ang kumpirmadong nasawi, makaraang ratratin ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa magkahiwalay na lalawigan kamakalawa.

Sina SPO3 Victoriano Jaloorina na nakatalaga sa Camp Diego Silang, Carlatan, San Fernando City at PO2 Frederick Galope ng Carranglan PNP station sa Nueva Ecija at Arnel Abello ay nagtamo ng maraming tama ng bala ng malalakas na kalibre ng baril.

Ayon sa ulat ng pulisya, naglalakad sa gilid ng bukid si Jaloorina dakong alas-6:45 ng umaga nang lapitan ng mga rebelde saka sunod-sunod na pinaputukan.

Bago nagsitakas ang mga rebeldeng grupo ng Alex Cesar Command ng NPA ay isang putok sa ulo ang iniwan upang makasigurong patay na ang biktima.

Kasunod nito, napatay naman si Galope makaraang salubungin ng putok ng mga rebelde habang magsisilbi ng warant of arrest sa bahay ng mga suspek dakong alas-8:30 ng gabi na inakusahang nambugbog.

Gumanti naman ng putok ang mga kasamang pulis ni Galope kaya nagsitakas ang mga rebelde at nadakip naman ang mga suspek sa pambubogbog kay Dominador Uyanib na sina Marion Quejada, 23 at Louie Picante, 28, habang si Ludivo Cacayan, Jr., ay pinaghahanap ng pulisya. (Ulat nina Joy Cantos/ Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments