Kinilala ni Army 5th Infantry Division Commander Brig. General Rodolfo Alvarado ang nasawing opisyal na si 1st Lt. Meliton Biernes, commanding officer ng Alpha Company ng 45th Infantry Battalion. Kasalukuyang bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng tatlong rebeldeng nasawi.
Sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, sinalakay ng grupo ni Biernes dakong alas-5 ng hapon ang kampo ng NPA sa ilalim ng lider nito na si Benito Tesorio sa may Brgy. Baliao, San Mariano, Isabela.
Tumagal ng tatlong oras ang sagupaan hanggang sa umatras ang mga rebelde at iwanan na lamang ang kanilang kampo dahil sa lakas ng puwersa ng mga militar. Dito nadiskubre ng mga sundalo ang pagkamatay ng kanilang lider na si Biernes na natadtad ng bala.
Iniulat ng militar na marami rin sa mga rebelde ang posibleng nasawi matapos na tamaan ng bala sa putukan nang mabigla ang mga ito sa kanilang pagsalakay. Wala namang narekober na bangkay dahil sa tinangay ito ng kanilang mga tumakas na kasamahan.
Nagsasagawa naman ng patrolya ang elemento ng Special Forces Company sa Sitio Mabuhay, Brgy. Kalapagan, Lupon, Davao Oriental dakong alas-3:30 ng hapon nang makasagupa ang may 15 rebelde sa pangunguna ng isang alyas Kumander Pipoy.
Matapos ang 30 minutong bakbakan, umatras ang mga rebelde at naiwan ang bangkay ng tatlo nilang kasamahan habang wala namang nalagas sa panig ng militar. (Ulat ni Danilo Garcia)