Sa ulat na ipinalabas ni P/Chief Insp. Romeo Saquilayan, hepe ng Bulacan PNP 303rd Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang inaresto sa bisa ng search warrant na inisyu ni Hon. Judge Teresita V. Diaz-Baldos, ng RTC, Branch 17 para sa kasong paglabag sa Republic Act 6425 ng Dangerous Drug Act of 1972 ay nakilalang si Dante Bondoc, may sapat na gulang may-asawa ng nabanggit na lugar.
Nabatid sa ulat na ang pagsalakay na ginawa sa bahay ng suspek dakong alas-10 ng gabi ay bunga ng matagumpay na mga intelligence network na isinagawa ng naturang ahensiya at sa pakikipagtulungan na rin ng mga opisyal ng barangay sa nasabing lugar makaraan ang may isang buwang pagsasailalim sa suspek sa pagmamatyag at pagsubaybay.
Narekober ng mga awtoridad sa pag-iingat ng suspek ang may 139 na gramo ng shabu na magkahiwalay sa 3 medium size na plastic sachet, 1 Tamita brand digital scale, 12 piraso ng maliliit na plastic sachet na may lamang tig-5 gramo ng shabu, dalawang gramo ng dahon ng pinatuyong marijuana na nakasilid sa isang small size plastic sachet, 6 na piraso ng maliit na plastic sachet na walang laman, 2 rolyo ng aluminum foil, 2 carrying bag, 9 na bala ng kalibre ng baril at cash na salapi na nagkakahalaga ng P18,000.00. (Ulat ni Efren Alcantara)