Sundalo tinodas ng pulis

ALAMADA, Cotabato — Isang sundalo ng Philippine Army ang kumpirmadong nasawi makaraang pagbabarilin ng pulis dahil sa naaktuhang nasa loob ng kanilang kuarto kasama ang kanyang misis noong Lunes, Hulyo, 22, 2002 sa bayang ito.

Hindi nakuhang gumanti ng putok ang biktimang si Sgt. Danny Crospero na nakatalaga sa 38th Infantry Battalion sa Camp Paulino Santos, Upper Dado sa naturang lugar.

Kaagad naman sumuko sa pulisya ang suspek na si PO3 Danilo Sarahina de Leon na nakatalaga naman sa Cotabato PNP station.

Base sa nakarating na ulat mula sa Camp Crame, naganap ang krimen dakong alas10:20 ng gabi sa mismong bahay ng suspek.

Napag-alaman na night shift ang duty ng pulis ngunit sa hindi inasahang pagkakataon ay bumalik sa kanyang bahay dahil may nakalimutan.

Ayon pa sa ulat, kaagad na tinungo ang kanilang kuwarto at nadatnan ang asawa na natutulog ngunit narinig nito ang kaluskos sa ilalim ng kama kaya sinilip.

Bumulaga ang mukha ng biktima na pinalalagay na kalaguyo ng kanyang asawa kaya hindi na nito binigyan ng pagkakataong mabuhay. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments