Si Almendras na anak ng namayapa at dating Senador Alejandro Almendras ay kinasuhan ng kanyang kapatid na si Rosalinda Almendras-Unson dahil sa umanoy ilegal na pagbebenta nito ng 195 metro kuwadradong lote na pag-aari ng una.
Ang konsehal ay pinagharap ng kaso matapos pekein nito ang pirma ng kanyang kapatid sa isang special power of attorney para maibenta ang lote sa isang Lolita Tai sa halagang P850,000 noong nakalipas na Pebrero.
Pinagdiinan naman ni Almendras sa kanyang counter affidavit na ang akusasyon sa kanya ay walang batayan at simpleng hindi pagkakaintindihan lamang sa pagitan ng kanyang kapatid dahil ang nasabing lote ay pag-aari ng kanilang ina na si Caridad.
Samantala, bukod sa kasong kinakaharap nito ay maaaring mapatalsik bilang konsehal si Almendras dahil sa resulta ng muling pagbilang ng kanyang boto sa nakalipas na Mayo 2001 local elections sa kanyang distrito.
Si Almendras ay pang-walo at nakuha ang huling upuan sa pagiging konsehal na lungsod. Nagsampa ng petisyon ang natalong konsehala na si Clemencita Cataluña na pang-siyam.
Sa kasalukuyang bilang ng boto ay lamang si Cataluña ng humigit kumulang na sandaang boto.
Wala pang official na desisyon ang Comelec sa resulta nang nabilang na boto. (Ulat ni Edith Regalado)