Adik gulpi sarado sa anak

ANTIPOLO CITY – Dahil sa pagkagumon sa droga, isang ama ay nagawang gulpihin ng sariling anak na lalaki makaraang maaktuhang humihithit ng shabu kasama ang ilang kapitbahay sa loob ng bahay sa Purok Imelda, Brgy. Dela Paz sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

Mistulang lantang-gulay ang katawan ng biktimang si Arnulfo Pinella, Sr., 53, jobless dahil sa tinamong sunod-sunod na suntok at sipa mula sa anak na si Arnulfo Pinella, Jr., 18, alyas Jon-Jon, estudyante sa hindi nabatid na eskuwelahan.

Nabatid sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya na nadatnan ng batang Pinella ang kanyang ama na nagsha-shabu session sa kanilang bahay kasama ang ilang kabataang durugistang kapitbahay bandang alas-9:15 ng gabi.

Dito na nagalit ang anak dahil sa paniniwalang binibigyan ng kahihiyan ang kanilang pamilya ng sariling ama kaya sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagulpi ang biktima na lango pa sa droga.

Matapos ang pangyayari na nasaksihan mismo ng inang si Milagros ay mabilis namang umalis ang anak upang iwasan ang anumang susunod na mangyayari. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments