Ito ang tinuran ni Ariel dela Cruz, 35-anyos, may-asawa, ng Bagong Pag-asa, San Miguel, Bulacan kay Bulacan PNP Director P/Sr. Supt. Edgardo Acuña, matapos na ito ay boluntaryong sumuko sa nasabing opisyal at buong pagsisising inamin nito na siya ang gumahasa at pumatay sa 8-anyos na si Rochelle Pascual, grade 2 pupil na residente rin sa nasabing lugar na natagpuang patay at nakabitin sa kisame ng isang kubo sa gitna ng bukid noong Hunyo 9, 2002 sa naturan ding barangay.
Nabatid sa ulat ng pulisya na isang tawag sa telepono ang tinanggap ng mga ito na isang bangkay ng batang babae ang natagpuan sa loob ng kubo na nakabigti ang leeg at may mga palatandaan na ito ay nagtamo ng mga pahirap mula sa suspek dahil sa mga pasa at sugat nasa katawan nito.
Ayon sa salaysay ng isang barangay tanod na nakakita sa bata bago ito natagpuang patay ay na nakita pa niya ito na nakasakay ng isang bisikleta at tinawag ito ng isang hindi niya kilalang lalake na nasa kubo at inutusan pa ang bata na bumili ng yelo.
Bagamat hindi inaamin ng suspek na ginahasa muna niya ang biktima ay malaki pa rin ang paniniwala ng pulisya na nangyari ito bago niya pinatay ang kaawa-awang bata.
Naniniwala naman si Acuña na sa pagsuko ng suspek ay nalutas na ang kaso, samantalang hinihintay na lamang ang ilan pang resulta ng ginawang pagsusuri sa bangkay ng biktima upang pormal na makasuhan ang suspek.(Ulat ni Efren Alcantara)