4 bata patay, 3 grabe sa masaker

ZAMBOANGA, Sibugay – Apat na bata ang iniulat na nasawi, samantalang nasa kritikal na kundisyon naman ang kanilang mga magulang at kapatid na sanggol nang pagbabarilin ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan ang bahay ng mga biktima, kamakalawa ng hapon.

Sa sketchy report na nakarating sa Camp Crame, nakilala ang mga nasawing magkakapatid na sina Symon, 11; Arnel, 8; Dennis, 5; at Mylene Quita, 3, na pawang residente ng Tungawan, Zamboanga, Sibugay.

Nasa kritikal na kundisyon naman ang kanilang ama’t ina na biniberipika pa ang pangalan at bunsong kapatid na si Giovani, 11-buwang gulang.

Naganap ang krimen dakong alas-5 kamakalawa ng hapon habang nasa loob ng kanilang bahay ang mga biktima nang paulanan ng bala ng mga tauhan umano ng Dacon Lumber Company.

Kasalukuyang inaalam ngayon ang pagkakakilanlan ng mga suspek at iniimbestigahan na rin ang posibleng motibo ng krimen. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments