Si Capt. Alfredo Legislador ay kumpirmadong nasawi, samantala, ang dalawang tripulante na nawawala at pinaniniwalaang namatay din ay nakilalang sina Henry Merto, crane operator at Rodolfo Merga, checker na pawang sakay ng M/V Romeo na pagmamay-ari ng Candano Shipping Lines.
Napaulat din na lumubog ang M/V Romeo matapos na makabangga ang kasalubong na barkong M/V Allison V na sinasakyan ng mga biktimang namatay.
Samantala, apat sa dalawamput tatlong tripulante ng M/V Allison V na pagmamay-ari naman ng Edago Shipping Lines ay kasalukuyang ginagamot sa hindi nabatid na hospital sa Cebu.
Nabatid sa ulat ni Vice Admiral Reuben Lista ng Philippine Coast Guard, naganap ang trahedya malapit sa pantalan ng Naga, Cebu bandang alas-11:45 ng gabi habang nagkasalubong ang dalawang barko sa hindi maipaliwanag na dahilan.
Base sa ulat, ang M/V Romeo na may lulang 32, 000 sako ng semento patungo sa Legaspi, Albay ay nakabangga ang M/V Allison V na papapasok naman ng pantalan ng Naga, Cebu upang magkarga rin ng semento.
Gayunman, masusing sinisiyasat ng mga awtoridad si Capt. Ramil Cabiltes, clipper ng M/V Allison V sa naganap na sea tragedy dahil sa hindi naman masama ang panahon. (Ulat nina Grace Amargo at Jocelyn Garcia)