Estudyante todas sa mag-lover

BACOOR, Cavite – Isang estudyante ang iniulat na nasawi, samantala, isa pa ang malubhang nasugatan makaraang pagtulungang saksakin ng mag-live-in habang naglalakad ang mga biktima sa harap ng Bacoor National High School sa Brgy. Molino 1 sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Aram Malinis, samantala, ginagamot naman sa Metro South Hospital si Lhiando Gayamo, 15 na kapwa mag-aaral ng nabanggit na eskuwelahan.

Samantala, nakapiit ngayon sa PNP detention cell ang mga suspek na sina Vivencio Galano, 22 at live-in partner na si Divina Gracia Magno ng Sitio Silangan, Brgy. Ligas 2 sa bayang ito.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Rodolfo Arboleda, naganap ang krimen dakong alas-8 ng gabi makaraang magsumbong ang isa sa kaibigan ng dalawa sa mga suspek na binatukan daw sila ng mga biktima kaya napilitang isagawa ang krimen. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments