Lalaki lunod dahil sa bola

SAN MATEO, Rizal – Maagang kinalawit ni kamatayan ang isang 20-anyos na lalaki makaraang mahulog sa ilog na malakas ang agos dahil sa pagsagip sa nahulog na bolang pinaglalaruan kamakalawa ng umaga.

Ang bangkay ng biktimang si Alexander Fabi ng Brgy. Banaba ay natagpuan ni Eddie Opeña ng 125 Banaba Extention na nakalutang sa gilid ng creek.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, bandang alas-10 ng umaga habang naglalaro ng basketball ang biktima ay biglang tumilapon ang bola sa ilog kaya mabilis naman nitong hinabol.

Sa nakalap na impormasyon ng pulisya sa mga nakasaksing residente sa pangyayari na inabutan naman ng biktima ang bola ngunit sa lakas ng agos ng tubig sa ilog ay biglang na lamang nawala si Fabi at hindi na nakuha pang isalba ng mga kapitbahay dahil sa lakas ng agos. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments