Ito ang pahayag ng isang imbestigador na tumangging magpabanggit na pangalan base sa patuloy na imbestigasyon sa kaso matapos na hindi na magpakita ang mga Narcom agents na sina SPO1 Edmundo Bruno, PO3 Sherwin Sumile, PO1 Jesse Silva at PO1 Enrique Cadungog, na dapat ay nag-report sa Antipolo PNP matapos ang insidente.
Nabatid na dakong alas-7:45 noong Martes ng gabi habang naglalakad umano ang biktimang si Ret. SPO1 Felix Medina Jr., 46, ng Sitio Patnubay, Brgy. San Luis, sa kahabaan ng Marcos Highway, Sitio Pandayan, Brgy. Inarawan, nang bigla na lamang ratratin ng apat na pulis.
Ang biktima, na dating kasapi ng 225th Rizal Police Mobile Group ay idineklarang patay ni Dr. Zenaida Quiambao sa Antipolo Hospital.
Matapos maisugod ang biktima sa pagamutan ay saka nagtungo ang mga pulis sa bahay ng biktima at agad na naghalughog gamit ang isa umanong search warrant ngunit wala namang nakita kahit anong illegal.
Napag-alaman na planado ang nangyaring krimen dahil sa nakipag-coordinate pa umano ang mga suspek sa Antipolo PNP dakong alas-12 ng tanghali.
May teorya ang pulisya na posibleng may ipinatago ang mga suspek sa biktima o kaya ay may ipinabenta at hindi nakapag-remit kaya itinumba.
Kasong murder ang inihahanda ngayon ng Antipolo City PNP laban sa apat na pulis at hinihintay na lamang magbigay ng pormal na reklamo ang mga kaanak ng biktima.
Sa ulat naman ng mga tauhan ni P/Supt. Rolando Abutay, hepe ng 4th Regional Narcotics Office, si Medina ang nakipagbarilan matapos maaktuhang nagbebenta ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer dakong 5:45 ng hapon. (Ulat nina Joy Cantos at Ed Amoroso)