Siga ng barangay todas sa NPA

BUTUAN CITY – Tuluyang nagwakas ang paghahasik ng lagim ng isang kinatatakutang maton sa kanilang barangay matapos na itinumba ng dalawang kasapi ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Manila de Bugabus sa lungsod na ito kamakalawa ng hapon.

Walong tama ng bala ng 9mm baril ang tumapos sa buhay ni Domingo Hagabat ng nabanggit na barangay.

Base sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, itinumba ng mga rebelde si Hagabat dakong ala-una ng hapon habang naglalakad papauwi.

Sa impormasyong nakalap ng pulisya, si Hagabat ay maraming nagawang krimen sa kanyang mga kapitbahay kaya nagagawa nitong maging siga-siga sa kanilang barangay at walang magtangkang lumaban.

May teorya ang pulisya na nagsumbong na sa mga rebelde ang mga naperwisyong residente sa ginagawang lagim ni Hagabat kaya kaagad naman hinatulan ng kamatayan. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments