Bomber sa Rizal Day bombing nadakip

Pormal na iprinisinta kahapon kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nadakip na bomber sa Marawi City na pinaniniwalaang pangunahing suspek sa naganap na December 30, bombing sa Metro Manila.

Si Hussain Ramos, 35, ay gumagamit ng mga alyas Ali Ramos at Abu Ali.

Base sa ulat, si Ramos ay dinakip ng pinagsanib na puwersa ng AFP at PNP sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Marawi Judge Marivic Trabajo Daray noong Lunes, July 8, 2002 sa Brgy. Caloocan ng naturang lungsod.

Idinawit ni Rohman Fathur Al Ghozi, alyas Abu Saad na si Ramos ang nagbigay sa kanya ang toneladang pampasabog na nasabat naman sa General Santos City noong Enero 2002.

Inamin naman ni Ramos na ang mga nasabat na pampasabog ay binili niya noong Ramadan at tangkang ipuslit patungong Singapore.

"Magandang buenamano para kay Ebdane ang pagkakadakip kay Ramos", anang Pangulo.

Magugunitang dalawampu’t apat na sibilyan ang nasawi at maraming nasugatan sa naganap na pagsabog noong Dec. 30 sa Metro Manila. (Ulat ni Ely Saludar)

Show comments