Base sa ulat, apektado ang mga bayan ng Iba, San Marcelino, San Felipe, Sta. Cruz, Dinalupihan, Morong, Layac at Castillejos.
Ang labingwalong pamilyang mula sa bayan ng Sta. Rita ay inilikas na sa Olongapo City National High School dahil sa patuloy na lumalalim ang tubig-baha.
Kasalukuyan naman naka-alerto ang mga awtoridad sa nakaambang pagdaloy ng tone-toneladang lahar mula sa Mt. Pinatubo.
Kasunod nito, apektado rin ng tubig-baha ang sampung barangays sa Meycauayan, Bulacan ngunit hindi naman naapektuhan ang kahabaan ng MacArthur Highway, ayon sa pahayag ni Norma Luarco ng Bulacan provincial disaster coordinating council.
Ang mga bayang apektado rin ay ang Hagonoy, Paombong, Malolos, Calumpit, Marilao, Bocaue, Guiguinto, Plaridel, Pulilan ngunit walang iniulat na nasawi.
May posibilidad ding lumubog ang ilang bahagi ng Bulacan kapag dumaloy ang tubig-baha mula sa Pampanga at Nueva Ecija dulot ng patuloy na pagbuhos ng ulan.
Nagpalabas na ng malaking halagang pondo si Bulacan Gov. Josie Dela Cruz upang gamitin sa mga naapektuhang pamilya. (Ulat nina Jeff Tombado/Efren Alcantara))