3 katao tinodas sa sayawan

PAGBILAO, Quezon – Tatlo katao kabilang na ang mag-ama ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng kanilang kabarangay makaraang maungkat ang matagal na alitan habang nag-iinuman sa sayawan sa Brgy. Mayhay sa bayang ito kamakalawa ng madaling-araw .

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Pacifico Basan, 64, karpintero, anak nitong si Henry, 26 at Gaudencio Edora, 37 na pawang residente ng nabanggit na barangay.

Tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Aproniano Manjares, 30 ng naturang ding lugar.

Sa isinumiteng ulat ni SPO3 Generoso Grizola kay P/Supt. Teodito Fajardo, hepe ng pulisya sa bayang ito, naganap ang krimen bandang alas-12:30 ng madaling araw habang magkakasamang nag-iinuman ng alak ang mga biktima, suspek at ilang kaibigan sa idinaos na sayawan sa kanilang barangay.

Dahil sa mga lango na sa alak ay naungkat ang matagal na alitan na nagresulta upang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang mga biktima at suspek.

Ayon pa sa ulat ng pulisya, biglang tumayo ang senglot na suspek saka pinagbabaril ang mga biktima bago mabilis na tumakas sa hindi nabatid na direksyon.(Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments