Sa ulat na nakarating kahapon sa PNP regional office, kinilala ang mga nakapugang preso na sina Gilbert Jackson, Jerry Halayhay, Salvador Manuel, Ricardo Ombrag, Joel Pajarito, Warlito Pajarito, Arturo Salino at Allan Tamoyan.
Sa inisyal na pagsisiyasat, lumalabas na naganap ang pagpuga dakong alas-2 ng hapon matapos na aktong tatawagin ng dalawang guwardiyang sina Godofredo Gumarao at Noble Calague ang isang preso upang kumuha ng tubig.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay naagaw ni Warlito Pajarito ang baril ni Calague saka tinutukan at nagbanta na papatayin ang kasamang guwardiya kapag kumilos si Gumarao ng masama kaya naisagawa ang pagpuga.
Kinumpirma naman ni SPO4 Francisco Suan ng Allen PNP na siyang team leader na tumutugis sa mga pumuga na sina Warlito Pajarito, Jackson, Salino at Tamoyan ay pawang miyembro ng robbery hold-up gang na bumibiktima ng mga pampasaherong sasakyan sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Samar Island.
Gayunman, isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang dalawang guwardiya na pinaniniwalaang kinasabwat sa jailbreak. (Ulat ni Miriam Garcia Desacada)