Presong babae hinalay ng opisyal sa kulungan

BATANGAS CITY – Isang presong babae na may kasong pagnanakaw ang iniulat na hinalay ng isang opisyal sa loob ng kanyang selda sa Batangas Provincial Jail (BPJ) sa Brgy. Cuta sa lungsod na ito kamakalawa ng tanghali.

Ang biktima na itinago sa pangalang Rosalie, 21, dalaga ng Cuenca, Batangas ay nagreklamo kay P/ Supt. Restito Hernandez, hepe ng Batangas City PNP laban kay Pablito Tango, isang administrative officer ng BPJ, may asawa ng Brgy. Sta. Rita ng lungsod na ito.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, naisagawa ang maitim na balak bandang alas-11 ng umaga habang nagpapahinga ang biktima sa loob ng selda.

Dahil sa pananakot ng suspek na papatayin ay naisagawa ang panghahalay ngunit makaraan ang ilang oras ay ipinagtapat nito sa kapwa preso kaya naipagbigay-alam naman sa kinauukulan ang pangyayari.

Kaagad naman tumakas ang suspek makaraang matunugang nagsumbong ang biktima sa jail warden. (Ulat ni Arnell Ozaeta)

Show comments