Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, nakilala ang nasawing biktima na si Wong San Cho, 26, binata, tubong Bu-Cho City, South Korea at miyembro ng Native Partners for World Mission.
Nabatid na nagtungo sa Caliraya Recreational Center sa Brgy. Lawing ng bayang ito, ang biktima, kasama ang 15 Koreanong mga misyonaryo upang mag-swimming.
Dakong alas-3:45 ng hapon nang madiskubre ang lumutang na bangkay ni Cho na agad namang iniahon ng lifesaver na si Luisito Austero. Tinangka pang iligtas ni Austero si Cho sa pamamagitan ng pagbibigay ng "mouth to mouth recucitation" ngunit hindi na ito umubra.
Agad na isinugod ito sa Pagsanjan General Hospital ngunit idineklara nang patay nang dumating.
Sinisiyasat naman ng pulisya ang mga kasamahan ng biktima at si Austero kung bakit hindi agad nakita na nalulunod ang biktima gayong magkakasama silang lumalangoy sa swimming pool. Inaalam din kung nakainom o may ibang sakit ang biktima. (Ulat nina Danilo Garcia at Ed Amoroso)