9 katao timbog sa shabu session

LUCENA CITY – Siyam katao ang dinakip ng pulisya makaraang maaktuhang nagsa-shabu session sa Purok San Roque, Brgy. Kuwatro sa lungsod na ito kamakalawa ng tanghali.

Kasalukuyang nakapiit sa Lucena police detention cell ang mga drug users na sina Ismael Lazo, 46; Richard Endrinal, 28; Erwin Tagumpay, 30 na kapwa residente ng Brgy. Gulang-gulang; Jeffrey Maawa, 26; Ariel Ramos, 36 na kapwa naninirahan sa Brgy. Ibabang Dupay; Jose Cordero, 27 ng Market View Subdivison ; Jerry Cortez, 31 ng Tagarao Street, Lucena City; Robin Mateo, 28 ng Brgy. Cotta at Ariel Banas ng Brgy. Ibabang Iyam.

Ayon kay P/Supt. Danny Ramon Siongco, hepe ng pulisya sa lungsod na ito, ang siyam ay pawang empleyado ng La Tondeña Distillers, Inc.

Sa inisyal na pagsisiyasat ni PO3 Alfredo Cayabyab, nagsagawa ng buy-bust operation ang grupo ni SPO3 Joe Foster sa bahay ni Ismael Lazo dakong alas-12:25 ng tanghali.

Ayon pa sa ulat ng pulisya, hindi inaasahang madiskubre ang shabu session ng mga suspek matapos na isagawa ang drug bust sa bahay ni Lazo. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments