3-anyos na anak ng OFW kinidnap

BAGUIO CITY – Isang tatlong taong gulang na batang babae na anak ng Overseas Filipino Worker (OFW) ang iniulat na kinidnap ng hindi kilalang mag-asawa sa loob ng sikat na fastfood chain sa lungsod na ito kamakalawa ng hapon.

Sa isinampang reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ni Marieta Depocsa Caasi, 47, tumatayong guardian ng biktima, bandang alas-5 ng hapon nang bumisita ang mag-asawang kidnaper sa kanyang bahay sa Mangga, Tuding, Itogon, Benguet at nagpakilalang kaibigan at co-workers ng ina ng bata sa Dubai na si Martina Caasi.

Ayon sa ulat, si Marieta na isang guro sa Department of Education’s Special Education Center sa Baguio City ay kaagad na nagtiwala dahil nagpakilala ang babae na si Loring mula sa iligan City, samantala, ang kasamang lalaki ay hindi nagpakilala.

Matapos na makitulog sa bahay ni Marieta ang dalawa ay inimbitahan naman ang magtiyahin na mag-shopping sa Baguio Center Mall.

Napag-alaman pa sa ulat na inabutang sarado pa ang naturang mall dahil sa alas-8 pa lamang ng umaga kaya nagyaya ang mga suspek na kumain sa Jollibee outlet habang hinihintay naman na magbukas ang shopping mall.

Dahil sa nahulog na ang loob ni Marieta sa dalawang kidnaper ay pansamantlang iniwan nito ang bata upang magtungo sa SPED Center at ipaalam na mababalam lamang siya ng pasok.

Subalit pagbalik ni Marieta sa naturang lugar ay wala na ang kanyang pamangkin at dalawang nagpanggap na mag-asawa kaya mabilis siyang humingi ng saklolo sa mga awtoridad.(Ulat nina Artemio Dumlao at Jhay Mejias)

Show comments